NAGA CITY-Patay ang isang swine vendor pagkatapos na mawalan ng kontrol sa minamaneho nitong behikulo sa Purok 7 Brgy. Pury San Antonio, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Ernesto, 56-anyos, residente ng Sitio Cantarimos Brgy. Bula San Antonio, Quezon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na galing sa Tiaong, Quezon ang biktima at pauwi na sana sa kanilang bahay nang mag-overlap ito sa kurbadang parte ng daan at dito na nawalan ng kontrol sa minamaneho nitong motorsiklo.

Dahil sa pangyayari, nakabangga ito sa kongkretong poste ng kuryente na naging rason ng agarang pagkamatay nito.

Sa ngayon, paalala ng mga awtoridad na laging mag-ingat at huwag masyadong bilisan ang patakbo upang makaiwas sa anumang klase ng aksidente.