NAGA CITY- Patay ang isang suspek sa isinagawang buy bust operation na nauwi sa armed confrontation sa Barangay Bahay, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Elcer Peñaredondo, 37-anyos, residente ng Barangay Loba-Loba, Libmanan, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na una ng isinagawa ng mga awtoridad ang pakikipag-transaksiyon sa nasabing suspek sa iligal na droga na aabot sa P48,000.

Ngunit, napansin umano ng suspek na pulis ang kaniyang katransaksiyon kung kaya agad itong bumunot ng isang kalibre .38 na baril at pinaputukan ang mga awtoridad.

Dahil dito, gumanti rin ng putok ang mga awtoridad, dahilan para magtamo ng sugat sa kaniyang katawan ang suspek na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.