NAGA CITY- Love Triangle ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng isang lalaki sa Zone 6, Brgy. Paolbo, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Ramon Belasa 55-anyos residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Ronald Brugada hepe ng Calabanga PNP, sinasabing habang natutulog si Ramon Belasa at ang kanyang maybahay na si Maritess Belasa sa kanilang residensya ng makaramdam ito ng mga kaluskos sa labas ng kanilang bahay.

Ayon kay Brugada, sinundan ito ng putok at doon nakita ni Maritess ang suspek na si Ricardo Villanueva 56-anyos na syang bumaril sa kanyang asawa na tinamaan sa kaliwang pisngi na tumagos sa likod ng ulo nito na agad tumakas matapos ang nagawang krimen.

Kaugnay nito, dahil sa malalang tama agad na binawian ng buhay si Ramon Belasa na idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad si Villanueva na nahuli matapos ang isinagawang hot pursuit operations ng mga otoridad.

Una rito, nabatid na nagkaroon ng relasyon si Maritess Belasa at ang suspek na si Villanueva na kalauna’y hiniwalayan ni Maritess matapos na makalaya sa piitan ang kanyang asawa na si Ramon Belasa.