Nagpulong sa Malacañang Palace ngayong Lunes, Mayo 11, sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangulo ng Paraguay na si Santiago Peña Palacios upang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Paraguay sa gitna ng kanilang pamumuno sa kani-kanilang regional trading blocs.
Si Marcos Jr. ang kasalukuyang chairperson ng 11-member Association of Southeast Asian Nations, habang si Palacios naman ang pro tempore head ng Mercosur na kumakatawan sa malaking bahagi ng ekonomiya ng South America.
Ayon sa datos, ang kabuuang GDP ng MERCOSUR ay tinatayang nasa $1.92 trilyon noong 2020, habang ang kabuuang bilateral trade sa pagitan ng ASEAN at MERCOSUR ay umabot sa $33.3 bilyon noong 2023.
Samantala, umabot naman sa $5.86 milyon ang foreign direct investments noong 2022 sa pagitan ng dalawang rehiyonal na grupo.
Noong 2022, hinikayat ng Maynila ang Asuncion na gawing entry point ang Pilipinas sa ASEAN market, habang binigyang-diin na ang trade relations ng dalawang bansa ay nananatiling “stable but modest.”
Noong 2025, naitala rin ang unang pag-export ng poultry products ng Paraguay sa Pilipinas.
Dumating sa Manila si Peña noong Mayo 10 at dumalaw muna sa Rizal Monument bago tumuloy sa Malacañang.
Si Peña ang kauna-unahang Pangulo ng Paraguay na bumisita sa Pilipinas sa opisyal na kapasidad, na inaasahang magbubukas ng mas malawak na kooperasyon sa kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa.













