NAGA CITY – Patay ang isang lalaki sa banggan ng isang sasakyan at motorsiklo sa Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Jayson Borabien, 29-anyos, residente ng Brgy. Sinuknipan 1, sa nasabing bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang tinatahak ng sasakyan ng minamaneho ni Allan Cervantes, 40-anyos, residente ng RD 1, Bagong Silangan, Quezon City, ang palikong parte ng kalsada papuntang Northbound direction nang mabangga dito ang motorsiklo na minamaneho naman ni Borabien.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nag-overtake ang nasabing motorsiklo sa isang sasakyan na mula sa kabilang direksyon dahilan upang mabangga ito sa minamanehong sasakyan ni Cervantes.

Dahil sa impact nagtamo ng malalang tama si Borabien na agad naman dinala sa ospital subalit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng nasabing insidente.