NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin at lagariin pa sa leeg at itulak ng isang lalaki sa Naga City.

Kinilala ang biktima na si Emar Madera, 28-anyos, residente ng Vintansa Subd., Brgy. Pacol sa naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na habang nakatayo sa tapat ng bahay ng kaniyang ina ang biktima nang dumating ang suspek na kinilalang si Rolly Bobares, 24-anyos, residente naman ng Minalabac, Camarines Sur na armado naman ng matalim na armas at lagari kung saan dito naman ito kinompronta ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na matapos nito, dito naman sinaksak ni Bobares si Madera sa kanang bahagi ng braso at nilagari pa sa leeg at tiyan.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima para sa asistensiya medikal habang agad naman na tumakas sa hindi malamang direksyon si Bobares.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente lalo na ang paghahanap sa posibleng kinaroroonan ng suspek.