NAGA CITY- Kinilala at kinuha na ng pamilya ang bangkay ng binatang pinagsasaksak ang sarili sa Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Rey Alvarez, hepe ng Naga City Police Station 5, sinabi nito na personal na sumangguni sa nasabing himpilan ang kapatid na babae ng biktima matapos makita nito ang mga post sa social media hinggil sa sinapit ng kaniyang kapatid.

Mababatid na kahapon, naligo sa sariling dugo ang 29-anyos na lalaki nang saksakin ang sarili sa Bulusan Street Dayangdang gamit ang kutsilyo na kinuha nito sa isang butcher na nagtitinda ng karne sa Balatas Road, sa Barangay Balatas.

Ayon sa pagsusuri sa bangkay ng biktima, nagtamo ng aabot sa walo hanggang sa siyam na saksak sa bahagi ng tiyan, leeg at dibdib nito.

Dinala pa sana sa pagamutan ang lalaki ngunit idineklara nang dead on arrival ng mga doktor.

Dagdag pa ni Alvarez, nasabi rin umano ng kapatid ng biktima na nakakaranas ng depresyon ang kapatid nito at nakatalaan sanang sumailalim sa treatment bukas Disyembre 7.

Samantala, tumanggi na ang pamilya na isapubliko pa ang pangalan ng nasabing biktima.Top