Pinatawan ng show cause order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng isang passenger bus na naaksidente sa Maharlika Highway sa Camarines Sur kamakailan, na nagresulta sa pagkakasugat ng ilang pasahero.

Ayon sa LTFRB, inisyuhan ang bus operator ng show cause order kaugnay ng insidente noong Abril 25 sa Barangay Sigamot, Libmanan, Camarines Sur, kung saan ilang pasahero ang nasugatan.

Sinabi ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II na pinahaharap ang operator upang magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na dokumento kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).

“Ang imbestigasyon ay magbibigay ng pagkakataon sa operator at driver na ipaliwanag ang kanilang panig. Inaasahan namin ang kanilang kooperasyon dahil nakataya ang kanilang prangkisa,” ani Mendoza.

Advertisement

Inaatasan ng show cause order ang operator na dalhin ang driver sa nakatakdang pagdinig sa Mayo 14.

Kabilang sa unang requirements ang pagsailalim ng driver sa mandatory drug test at road safety seminar, habang hinihiling din sa operator na isumite ang mga dokumento ng preventive maintenance ng bus.

Nagbabala rin ang LTFRB na ang hindi pagdalo sa itinakdang pagdinig ay ituturing na pagtalikod sa karapatang marinig ang panig, at magdedesisyon ang ahensya batay sa mga rekord.

Kasabay nito, inatasan ni Mendoza ang LTFRB regional director sa Bicol na tulungan ang mga sugatang pasahero sa pagproseso ng kanilang insurance claims at benepisyo.

Advertisement