NAGA CITY-Ninakawan at sinira pa ng mga magnanakaw ang bahay ng isang magsasaka sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Pedrito Untalan Andal, 48 anyos, residente ng Purok 1, Brgy. Sto. Cristo ng nabanggit na bayan.
Kinilala naman ang mga suspek na sina alyas Aldwin, residente ng Brgy. Canda, alyas Raul, residente ng Brgy. Sampaloc 2, alyas Jeffrey, residente ng Brgy Sto. Cristo, at alyas Andrew, residente din ng Brgy Sto. Cristo, lahat ng nabanggit na bayan, habang tatlong suspek naman ang hindi pa nakikilala.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Provincial Office, personal aniyang nagreklamo sa Sariaya Municipal Police Station ang biktima tungkol sa ginawa ng mga suspek.
Ayon dito, alas 8:30 ng umaga nang bigla na lang na lumitaw ang mga suspek sa kanilang bahay, giniba ito, pinutol ang 41 puno nila ng niyog, at ninakaw ang iba’t iba nilang gamit.
Tinataya naman na aabot sa ₱765-K ang kabuoang pinsala na iniwan ng pangyayari sa nasabing magsasaka.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nangyaring insidente.