NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit P1-M na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation sa Zone 3, La Purisima, Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Gregorio Richellieu Ayen, 51-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang maliit na plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa halagang P500.

Samantala, maliban sa buy bust item nakumpiska pa sa suspek ang apat pang maliliit na plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu, nakuha rin sa compartment ng motorsiklo ni Ayen ang isang caliber .38 revolver; dalawang ammunition para sa naturang kalibre ng baril; weighing scale at lima pang medium sized na plastic sachet ng iligal na droga.

Sa kabuuan, tinatayang mayroong bigat na nasa humigit-kumulang 150 gramos an nakumpiska na mga iligal na droga at nagkakahalaga ng nasa P1,022,500.00.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.