NAGA CITY- Nakumpiska ang mahigit P2.5 milyon na halaga ng pinaghihinalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad laban sa dalawang suspek sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang mga suspek na sina Michael Malasma Dakila, 42-anyos, residente ng Sitio Bungahan, Brgy. San Isidro at Leovernie Montenegro Quitain, 38-anyos, residente ng Sedenio St., Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ng isang sachet ng iligal na droga ang nagpanggap na posuer buyer mula sa mga suspek sa halagang P15,000.

Maliban sa buy-bust item, narekober pa sa mga ito ang 14 sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na aabot sa humigit-kumulang 123.7 grams ng nasabing iligal na droga na nagkakahalaga ng nasa P2,523,480.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.