NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P300,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang suspek sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Catalina Sur, Candelaria,Quezon.
Kinilala ang suspek na si Lazaro Contreras, 29-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na mpormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nakabili ang umaktong poseur buyer sa suspek ng isang pakete ng hinihinalang shabu gamit ang P500 bilang buy bust money.
Maliban dito, nakumpiska pa sa suspek ang tatlo pang piraso ng pinagbabawal na gamot na aabot sa 15.3 grams at nagkakahalaga naman ng P312,120.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.