Inireklamo sa Office of the Ombudsman ni dating Caloocan Mayor Rey Malonzo si Caloocan Third District Representative Dean Asistio kaugnay ng umano’y hindi umiiral at overpriced na flood control projects na nagkakahalaga ng P79.2 milyon.
Inihain ni Malonzo noong Huwebes, Mayo 21, ang reklamong graft, malversation, at falsification of public documents laban kay Asistio.
Kabilang din sa mga respondent si Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Ruel Umali at anim na private contracting companies.
Sa 27-pahinang reklamo, sinabi ni Malonzo na may mga proyekto umanong napaulat na naaprubahan, napondohan, at naipatupad ngunit hindi naman umiiral, mali ang representasyon, o mababa ang kalidad ng pagkakagawa.
Kabilang sa tinukoy na proyekto ang umano’y ghost flood control projects sa Barangay 187 o Tala, road construction project sa Barangay 159, at covered court rehabilitation project na sinasabing overpriced.
Ayon kay Malonzo, may pananagutan umano si Asistio bilang co-conspirator dahil naganap ang mga proyekto sa kaniyang distrito at nakalagay umano ang pangalan nito sa mga tarpulin at project signages na may kaugnayan sa mga proyekto.
Sinabi rin ng dating alkalde na pinagtitibay ng kaniyang reklamo ang mga rebelasyong lumabas sa mga isinagawang legislative inquiries kaugnay ng umano’y maanomalyang infrastructure projects.
Nauna nang inakusahan ng contractor na si Pacifico Discaya ang 18 mambabatas, kabilang si Asistio, at ilang opisyal ng DPWH na umano’y tumanggap ng 10 porsiyentong kickback sa mga proyekto.
Mariin namang itinanggi noon ni Asistio ang alegasyon sa kaniyang pagharap sa Independent Commission on Infrastructure na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang imbestigahan ang umano’y maanomalyang infrastructure projects ng pamahalaan.














