Ibinahagi naman ng isang tsuper na sa mahigit labing-isang taon nitong pagiging driver ang hirap ng kanilang kalagayan ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng krudo.
Sa Panayan ng Bombo Radyo Naga kay Nilo Pascual, isang Jeepney driver, na halos wala nang natitirang kita dahil sa kakulangan ng pasahero ngayong bakasyon.
Kwento niya, kahit may anak na nagtapos ngayong Marso, hirap pa rin siyang maitaguyod ang pamilya dahil sa mababang kita sa pasada. Aniya, kung may estudyante at trabahador, kahit papaano nakakabawi. Pero sa bakasyon, wala talagang kita.
Dagdag pa ng driver, malaking tulong sana kung maitataas ang pamasahe upang makasabay sa pagtaas ng presyo ng krudo. “Pabor ako sa taas-pasahe. Pag hindi tinaas, lugi na kami,” giit niya.
Sa kabila ng sitwasyon, umaasa siya sa tulong ng gobyerno, partikular na sa fuel subsidy na aniya’y malaking bagay para sa kanilang pang-araw-araw na pasada. Panawagan naman nito sa gobyerno na, kung anong nararapat na itulong ng gobyerno, ibigay na nila. Huwag na nilang pahirapan ang tao.
Sa huli, nanawagan din ito ng pag-unawa mula sa riding public sa gitna ng kanilang sakripisyo at diskarte upang makatawid sa araw-araw.














