NAGA CITY – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa bawat komunidad na paghusayin ang mga preventive measures upang maiwasan ang dengue outbreak sa bansa lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala na ang bansa ng 67,874 dengue cases mula Enero hanggang Mayo 2024 o 28% na pagtaas ng mga kaso.
Hinikayat rin ni Go, bilang Chairman ng Senate Committee on Health, na mas paigtingin pa ang pagiging alerto at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders sa loob ng mga komunidad sa gitna ng naiitalang pagtaas ng dengue cases ngayon.
Kaugnay nito, pinadodoble rin ng senador ang mga pagsisikap na maging maingat, alerto at maagap sa pag-iwas sa sakit na dengue.
Partikular na pinakikilos ni Go ang DOH, Local Government Units, private sector, at mga komunidad na magtulungan at ipatupad ang mas mahigpit at pinahusay na 4S strategy laban sa dengue tulad ng search and destroy o paghahanap at pagsira ng mga pinamumugaran o pinangingitlugan ng mga lamok, secure self-protection o pagprotekta sa mga sarili laban sa kagat ng lamok, seek early consultation o agad na pagpapakunsulta kapag nakitaan ng sintomas ng dengue palagiang pagsasagawa ng fogging.