Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naaresto na rin sina dating Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Varias Espiritu, na kapwa akusado ni Senador Rodante Marcoleta sa kasong plunder.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Remulla na nadatnan ng mga awtoridad sina Defensor at Espiritu na nag-uusap sa loob ng isang coffee shop sa Quezon City, kung saan isinilbi sa kanila ang warrant of arrest.
Matapos ang kanilang pag-aresto, dinala ang dalawa sa Sandiganbayan upang maiproseso ang pagsisilbi ng warrant, bago sila ineskortan sa tanggapan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para sa booking procedure.
Pagkatapos ng booking process, nakatakdang ilipat sina Defensor at Espiritu sa Payatas Jail.
Sa kasalukuyan, tatlo na ang nasa kustodiya ng mga awtoridad, kabilang si Senador Marcoleta na naunang kusang sumuko. Samantala, nananatiling at large si Aristotle Baluyut Viray, isa pang kapwa-akusado na kabilang sa mga inisyuhan ng Sandiganbayan ng warrant of arrest, batay sa pinakahuling impormasyon.











