Tiniyak ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) na nananatiling ligtas at sapat ang suplay ng tubig sa mga nasasakupan nito sa kabila ng pagsisimula ng tag-ulan at posibilidad ng pagbaha sa ilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz (Public Information Officer, Metropolitan Naga Water District), sinabi nito na regular na isinasagawa ng ahensya ang pagsusuri at pagmamanman sa kalidad ng tubig upang matiyak na ito ay malinis at ligtas inumin.

Sinabi ni Dela Cruz na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagtagas ng mga linya ng tubig ay ang mataas na pressure sa sistema. Upang maiwasan ang pagkasira ng mga transmission at distribution lines, awtomatikong isinasara ng MNWD ang ilang pumping station kapag lumalagpas sa normal na antas ang pressure. Karamihan sa mga naitatalang tagas ay mula sa maliliit na service connections papasok sa mga kabahayan.

Mayroon ding mga nakatalagang team ang MNWD para sa mabilis na pagtukoy at pagkukumpuni ng mga tagas. Hinikayat ng ahensya ang publiko na agad iulat ang anumang water leakage upang maagapan ito at maiwasan ang pagbaba ng pressure sa suplay ng tubig sa komunidad.

Advertisement

Kaugnay ng tag-ulan, sinabi ni Dela Cruz na hindi gaanong naaapektuhan ng pagbaha ang kalidad ng tubig dahil nakaselyo ang kanilang mga balon at pinagkukunan ng tubig. Gayunman, kung sakaling mapasukan ng tubig-baha ang mga pasilidad, agad itong nililinis, dini-disinfect, at sumasailalim sa laboratory testing bago muling gamitin.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng MNWD sa mga lokal na pamahalaan at ang kampanya laban sa ilegal na booster pumps. Pinayuhan din nito ang publiko na mag-imbak ng sapat na tubig bilang paghahanda sa mga emerhensiya at sa posibleng epekto ng matinding init na maaaring idulot ng El Niño sa mga susunod na buwan.

Advertisement