Photo© Naga City Police Office

Kinumpirma ni PCapt. Daisy Angeles na may umiiral na ordinansa sa Naga City na nagbabawal sa pag-inom ng alak sa tabi ng kalsada at paggamit ng karaoke dis oras ng gabi, kasabay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng lokal na polisiya.

Ayon kay PCapt. Daisy Angeles, matagal nang ipinatutupad ng pulisya sa Naga City ang naturang ordinansa na may kaakibat na multa at posibleng pagkakakulong para sa mga lalabag.

Ang paglinaw ay kasunod ng direktiba ni DILG Sec. Jonvic Remulla na nagpapaigting sa pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang pagbabawal sa pag-inom sa kalsada, maingay na karaoke sa gabi, at iba pang kaugnay na pampublikong pag-uugali.

Sa ilalim ng ordinansa sa Naga City, ang mga lalabag sa pagbabawal sa pag-inom sa kalsada ay papatawan ng ₱3,000 sa unang paglabag, ₱4,000 at hanggang anim na buwang pagkakakulong sa ikalawa, at ₱5,000 at hanggang isang taong pagkakakulong sa ikatlong offense.

Advertisement

Para naman sa paggamit ng karaoke lampas alas-10:00 ng gabi, ang parusa ay ₱2,000 sa unang paglabag, ₱3,000 sa ikalawa, at ₱5,000 sa ikatlong paglabag.

Layunin ng mahigpit na pagpapatupad na mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga komunidad, lalo na sa gabi, ayon sa mga awtoridad.

Advertisement