Inanunsyo ni Melvin Matibag, direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), na magsasampa ang ahensya ng reklamo laban kay dating Mike Defensor kaugnay ng umano’y operasyon ng human trafficking sa isang establisimyento sa Pasig City.
Ayon kay Matibag, qualified human trafficking ang reklamong ihahain laban sa dating mambabatas.
Kaugnay ito ng isinagawang operasyon ng NBI kung saan ni-raid ng mga awtoridad ang isang KTV bar at hotel na sinasabing pagmamay-ari ng pamilya Defensor. Sa naturang operasyon, 54 kababaihan ang nasagip ng NBI mula sa umano’y ilegal na operasyon ng human trafficking sa establisimyento.
Matatandaang una nang nakasuhan ang asawa ni dating kongresista Defensor na si Julie Rose, gayundin ang kanilang anak at iba pang mga indibidwal na iniuugnay sa naturang kaso.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng NBI upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot at makapagsumite ng mga kaukulang reklamo batay sa mga nakalap na ebidensiya.
Nanindigan ang ahensya na ipagpapatuloy nito ang mga operasyon laban sa mga grupong sangkot sa human trafficking at iba pang uri ng pagsasamantala sa mga biktima.














