NAGA CITY- Patay ang isang negosyante matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Candelaria Quezon.

Kinilala ang biktima na si Romeo Esmillo Ravano, 46-anyos, residente ng Barangay Masalukot II sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakasakay ang biktima sa nakaparadang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Sta. Catalina Sur sa nasabing bayan nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing dahil sa insidente nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging dahilan ng maaga nitong kamatayan.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan gayundin ang pag-alam sa posibleng kinaroroonan ng suspek.