Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P17.27 bilyon upang pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa, sa layuning tugunan ang kakulangan ng classrooms at mapabuti ang kalidad ng basic education.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), inaprubahan ni Secretary Rolando Toledo ang pagpapalabas ng pondo sa Department of Education (DepEd) noong Abril 13 sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO).

Gagamitin ang naturang halaga para sa konstruksyon ng 4,960 silid-aralan sa buong bansa, kabilang ang pagbili ng school furniture at fixtures, na inaasahang magbibigay ng agarang solusyon sa overcrowded classrooms at kakulangan sa pasilidad.

Ang pondo ay kukunin mula sa P85.40 bilyong Basic Education Facilities (BEF) Fund sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA).

Advertisement

Ayon kay Toledo, ang hakbang ay hindi lamang para sa imprastraktura kundi para rin sa pagtiyak ng kinabukasan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mas maayos na learning environment.

“Sa utos ng Pangulo, pinapabilis natin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan dahil hindi dapat naghihintay ang pangarap ng kabataan,” aniya.

Dagdag pa niya, bawat bagong silid-aralan ay simbolo ng pag-asa at mas magandang kinabukasan para sa mga estudyante.

Bahagi rin ang proyekto ng Nationwide Classroom Building Program ng administrasyon, na nakatuon sa mas pinabilis na konstruksyon, rehabilitasyon, at pagkukumpuni ng mga paaralan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng national government at local government units.

Layunin ng programa na matiyak na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil sa kakulangan ng pasilidad, layo ng paaralan, o kahirapan.

Advertisement