NAGA CITY – Inilunsad na sa Naga City ang P20 kilo ng bigas para sa mga minimum wage earners.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Imelda Gatinao, Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi nito na nagsusumikap ang kanilang panig upang matiyak na sa buong buwan, mahigit 3,000 manggagawa ang makakatanggap ng naturang programa, na sinimulan sa isang paaralan sa lungsod.
Bukod dito, lubos ang kanilang pasasalamat sa Department of Agriculture sa pamamahagi ng P20 kilong bigas para sa mga minimum wage earners.
Pumirma umano ng Memorandum of Understanding ang kalihim ng dalawang ahensya para magkaroon ng naturang programa kung saan, sa rehiyon ng Bicol, mahigit 17,000 katao ang unang narehistro ngayong buwan.
Ngayong araw, ilulunsad din ito sa lalawigan ng Camarines Norte, at magpapatuloy sa iba pang lugar.
Sa kabilang banda, nilinaw din ni Gatinao na hindi sila awtorisadong tumanggap ng pera mula sa establisyimento na bumili ng naturang halaga ng bigas, dahil ito ay idedeposito sa account ng food terminal incorporated.
Dagdag pa rito, ibang uri ang sako ng bigas at hindi ibinebenta sa lokal na pamilihan, dahil nagkakahalaga ito ng 50 kl kada sako na makikinabang sa 5 minimum wage earners.
Pinasalamatan din ng opisyal ang lahat ng nasa likod ng patuloy na programa ng Administrasyong Marcos, lalo na’t ginagampanan ng bawat ahensya, at kanilang partners ang kanilang mga tungkulin.
Samantala, batay sa NFA, tatagal hanggang Disyembre ang nakatakdang supply ng bigas para sa mga rehistradong benepisyaryo. Habang inaasahang sa susunod na taon, posibleng ma-access na ito ng mga simpleng manggagawa.
Kaugnay nito, pinangungunahan ang naturang program ng Department of Agriculture (DA) Bicol, Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol at National Food Authority (NFA) Camarines Sur.