Nag-aayos ang pamahalaan ng mga charter flight upang maiuwi sa Pilipinas ang mga overseas Filipino workers (OFW) mula sa Middle East sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang press briefing sa New York City nitong Miyerkules, sinabi ng Pangulo na nagsimula na ang mga paghahanda para sa charter flights matapos bahagyang lumuwag ang sitwasyon sa ilang bahagi ng Middle East.

Ayon kay Marcos, nakapagsagawa na ang pamahalaan ng tatlong direktang biyahe mula Dubai patungong Maynila sa pamamagitan ng Emirates airline kung saan naisakay ang ilang Pilipino na nais makauwi ng bansa.

Dagdag pa niya, may plano pang dalawang charter flights—isa mula Riyadh para sa mga OFW sa Saudi Arabia, Kuwait, at Bahrain, at isa pa mula Fujairah sa United Arab Emirates upang masundo ang mga Pilipino mula Dubai.

Advertisement

Sinabi rin ng Pangulo na may land border crossing mula United Arab Emirates at Israel na maaaring gamitin upang mailikas ang ilang OFWs.

Bukod dito, plano ring magsama ng mga tauhan mula sa Department of National Defense at Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga naturang flight bilang bahagi ng koordinasyon sa repatriation.

Samantala, nakatakda ring lumipad patungong Dubai si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac upang personal na suriin ang sitwasyon ng mga Pilipino sa lugar.

Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi makapagpadala ng aircraft ang pamahalaan sa rehiyon dahil sarado ang ilang airspace dulot ng tensyon.

Binatikos naman ni Vice President Sara Duterte ang pamahalaan dahil sa umano’y kawalan ng kakayahang magpadala ng eroplano upang agad na maiuwi ang mga OFW sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Advertisement