Nagpahayag ng pagkadismaya at galit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos kumalat ang video ng umano’y hindi magalang na pakikitungo ng isang empleyado ng Migrant Workers Office (MWO) sa mga overseas Filipino workers sa Bahrain.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, agad na inatasan ng Pangulo si Sec. Hans Leo Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW), na imbestigahan at aksyunan ang insidente.

Sinabi ni Castro na hindi ikinatuwa ng Pangulo ang umano’y pagmamaltrato sa mga OFW at iginiit na hindi dapat pinababayaan ng mga lingkod-bayan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Binigyang-diin din niya na ang isang public servant ay hindi dapat umabuso sa kapangyarihan o magpakita ng pagmamataas sa mga mamamayan na kanilang pinaglilingkuran.

Advertisement

Dagdag pa ni Castro, walang puwang sa administrasyon ang mga opisyal na walang malasakit sa tunay na diwa ng serbisyo publiko, at hinikayat ang mga hindi handang maglingkod nang buong puso na kusang magbitiw sa kanilang posisyon.

Samantala, iniutos na ng DMW ang recall sa naturang empleyado matapos kumalat ang viral video kung saan makikitang tila pinapaalis umano nito ang mga OFW na humihingi ng tulong.

Batay sa mga ulat, sinabi umano ng empleyado sa mga OFW na wala nang pondo ang ahensya at maaari nilang ireport ang insidente kahit kanino nila gusto.

Ang mga OFW ay nagtungo sa Philippine Embassy in Bahrain matapos malaman na may ipinapamahaging financial assistance para sa kanila.

Nilinaw naman ni Cacdac na may sapat na pondo ang DMW upang tumulong sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.

Advertisement