Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paggunita ng Labor Day ang kanyang pangako na magbibigay ng mas maraming at mas maayos na trabaho para sa mga Pilipino sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng Pangulo na ang mga manggagawang Pilipino ang nagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa at patuloy na nagbibigay lakas sa lipunan sa gitna ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya at industriya.
“Today, we honor every member of our workforce whose hands carry the weight of our shared future,” aniya, at idinagdag na ang sakripisyo ng mga manggagawa ang nagbibigay ng katatagan sa mga pamilya at lakas sa bansa.
Hinimok din ni Marcos ang publiko na makiisa sa layuning bumuo ng mas inklusibong ekonomiya kung saan ang pagsisikap ay may katumbas na oportunidad at proteksyon para sa mga manggagawa.
Tiniyak pa niya na patuloy na magtatrabaho ang administrasyon upang lumikha ng mas maraming trabaho, palakasin ang proteksyon sa mga manggagawa, at palawakin ang oportunidad para sa mga ordinaryong pamilya.
Giit ng Pangulo, sa gitna ng pagbabago sa ekonomiya, mananatiling nakatuon ang gobyerno sa pagtatanggol sa dignidad ng bawat Pilipinong manggagawa.














