Nanawagan ang Pilipinas ng agarang tigil-putukan sa patuloy na karahasan sa Lebanon, kasabay ng matinding pagkabahala ng Department of Foreign Affairs sa lumalalang humanitarian crisis sa bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, nagbabanta ang patuloy na kaguluhan sa marupok na dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng Iran at United States, habang lumalala rin ang sitwasyong pangmakatao sa Lebanon.

Sa pahayag ng ahensya, nananawagan ang Pilipinas para sa buong pagpapatupad ng ceasefire alinsunod sa UN Security Council Resolution 1701 at iginiit ang pagsunod ng lahat ng panig sa international humanitarian law, lalo na sa proteksyon ng mga sibilyan, UN personnel, at mga humanitarian at media workers.

Hinikayat din ng DFA ang lahat ng panig na itigil ang labanan at bigyang-daan ang diplomatikong proseso upang maibsan ang tumitinding tensyon sa rehiyon.

Advertisement

Kasabay nito, iniulat ang malawakang pag-atake sa Lebanon noong Abril 8, kabilang ang mga lugar sa central Beirut, na nagresulta sa tinatayang 182 nasawi at halos 900 sugatan.

Ayon sa mga ulat, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi saklaw ng ceasefire sa pagitan ng Iran at Estados Unidos ang operasyon sa Lebanon, at magpapatuloy ang opensiba roon.

Samantala, tiniyak ng Philippine Embassy sa Beirut na wala pang napaulat na Pilipinong nasaktan sa patuloy na kaguluhan. Tinatayang nasa 14,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Lebanon hanggang Disyembre 2025, batay sa datos ng pamahalaan.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ng Pilipinas ang sitwasyon habang nananatiling nakaalerto ang mga komunidad ng mga Pilipino sa naturang bansa.

Advertisement