Ikinatuwa ng Pilipinas ang pagluwag ng Japan sa matagal nang restriksyon sa pag-export ng armas, na sinasabing makatutulong upang mapalakas ang access ng bansa sa de-kalidad na kagamitang pandepensa at seguridad sa rehiyon.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., tinatanggap ng Department of National Defense ang resulta ng review sa Three Principles on Transfer of Defense Equipment and Technology at ang mga implementasyon nito.
Sinabi ni Teodoro na ang hakbang ay magbubukas ng mas malawak na access ng Pilipinas sa mga de-kalidad at maaasahang defense equipment na makatutulong sa pagpapatibay ng pambansang depensa at katatagan sa rehiyon.
Dagdag pa niya, palalakasin nito ang kakayahan ng bansa na palawigin ang domestic resilience at makapag-ambag sa regional stability sa pamamagitan ng deterrence.
Binigyang-diin din ni Teodoro na pumasok na sa “new era” ang defense partnership ng Pilipinas at Japan, kung saan nakatuon ito sa pagtutulungan kasama ang iba pang kaparehong bansa upang ipagtanggol ang karapatan sa ilalim ng international law.
Inaasahan din ang pagbisita ni Japanese official Shinjiro Koizumi kung saan tatalakayin ang mga mekanismo para mas lalo pang palakasin ang bilateral defense ties.
Ayon sa ulat ng Reuters, isa sa mga posibleng unang kasunduan ay ang pagbebenta ng mga gamit na warship ng Japan sa Pilipinas matapos ang pag-amyenda sa export rules nito.














