Umabot na sa ₱6.6 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Albay bunsod ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano, ayon sa Albay Provincial Information Office.

Batay sa ulat ng Albay Provincial Agricultural Office na may petsang Mayo 5, pumalo sa ₱6,694,229.43 ang kabuuang pinsala sa palay at high value commercial development program (HVCDP) crops sa ilang bayan sa Albay.

Pinakamalaking tinamaan ang mga sakahan sa Camalig, Guinobatan, at Daraga, kung saan 87 na magsasaka ng palay ang direktang naapektuhan ng ashfall at iba pang epekto ng volcanic activity.

Sa Camalig, 24.26 ektarya ng palay ang tuluyang nasira na nagkakahalaga ng ₱2.34 milyon, habang sa Guinobatan, 17 ektarya ang bahagyang napinsala na tinatayang nasa ₱295,093.42.

Advertisement

Sa kabuuan, umabot sa ₱2.63 milyon ang pinsala sa palay.

Mas malaki naman ang tinamong pinsala sa HVCDP crops na umabot sa ₱4.05 milyon, partikular sa Daraga, Guinobatan, at Camalig, kung saan kabilang sa naapektuhan ang mga tanim na talong, sili, okra, at mais.

Ayon sa mga ulat, natabunan ng makapal na abo ang mga sakahan, dahilan upang malanta at hindi na mapakinabangan ang mga pananim na malapit na sanang anihin.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nananatiling nasa Alert Level 3 ang bulkan, na indikasyon ng patuloy na intensified magmatic unrest at posibleng mga panganib tulad ng lava flows at pyroclastic density currents.

Advertisement