Ipinahayag ni Pope Leo XIV ang kanyang “malalim na kalungkutan” para sa mga biktima ng digmaan sa Middle East, kabilang ang isang Lebanese priest na si Father Pierre al-Rai, na nasawi matapos tamaan ng Israeli tank fire sa isang Kristiyanong bayan.
Ayon kay Matteo Bruni, tagapagsalita ng Vatican, binanggit ng Santo Papa ang maraming inosenteng tao, kabilang ang mga bata, na nasawi sa mga pambobomba sa rehiyon.
Nabanggit din ng papa ang mga tumutulong sa mga biktima, kabilang si Father Pierre al-Rai, na namatay noong Lunes dahil sa pinsalang natamo mula sa tangkang opensiba.
Matatandaang nakaranas ng malawakang atake sa Iran noong nakaraang linggo, kung saan ayon sa opisyal ng Iran, hindi bababa sa 150 katao ang nasawi sa isang elementary school, bagama’t hindi pa nakumpirma ng AFP ang eksaktong detalye sa lugar.
Ayon kay Bruni, “binabantayan ng Santo Papa ang mga kaganapan nang may pag-aalala at nananalangin para sa agarang pagtatapos ng karahasan.”
Mula nang magsimula ang pambobomba sa Iran ng Estados Unidos at Israel, naging maingat si Pope Leo sa kanyang pahayag, nanawagan ng kapayapaan ngunit hindi binanggit ang alinmang partido sa hidwaan.
Noong nakaraang Linggo, nanalangin siya para sa pagtigil ng “ungol ng mga bomba” sa Middle East, isang linggo matapos manawagan para wakasan ang “spiral of violence” sa rehiyon.














