NAGA CITY – Patay ang isang preacher matapos pagbabarilin sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Dindo Candellaria, 39-anyos, residente ng Sitio Dinumpilan Brgy. Malinao sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office napag-alaman na habang nasa loob ng sariling bahay ang biktima ng may dumating na dalawang hindi pa nakikilalang mga indibidwal at humingi ng maiinom kay Candellaria.

Agad naman umano itong kumuha ng tubig para ibigay sa dalawa ngunit nang ibibigay na ng biktima ang dalang baso ng tubig, bigla na lamang umanong pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, napag-alaman na nasaksihan din mismo ni Sallem Candelaria, asawa ng biktima ang pangyayari.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinalalagyan ng mga suspek na agad na tumakas matapos ang krimen.