NAGA CITY – Selos ang itinuturong dahilan ng pananaksak ng isang lalaki sa kumpare nito sa Candelaria, Quezon.

Mababatid na una nang kinilala ang biktima na si Alben Roxas Ricamora, 38-anyos, residente ng CTC Manggahan, Brgy. Malabanban Norte, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Junjun Villaflor, imbestigador ng Candelaria Municipal Police Station, sinabi nito na lagi kasi umanong nag-aayos sa sarili ang asawang babae ng suspek na kinilala naman na si Phigy Malabanan Panaligan, 37-anyos, residente kan Brgy. Sta. Catalina Norte, sa nasabi ring bayan.

Idagdag pa aniya ang simpleng biro lang naman sana ng isa pa nilang kaibigan na lalo pa umanong magugustuhan ng biktima ang asawa ng suspek.

Ayon pa kay Villaflor, ito na rin umano ang naging sanhi ng pananaksak ng suspek ki Ricamora.

Samantala, patuloy pa rin na nagpapagaling sa ospital ang biktima dahil na rin sa tinamo nitong dalawang tama ng saksak.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng kinalalagyan ng suspek na agad namang tumakas matapos ang insidente.