Nahaharap sa reklamong plunder, graft, at indirect bribery si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos irekomenda ng Field Investigation Office (FIO) ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng umano’y kickbacks mula sa flood control projects.
Batay sa rekomendasyon ng FIO noong Abril 16, sinasabing “indirectly received” umano ni Escudero ang daan-daang milyong piso bilang kickbacks mula sa iba’t ibang flood control projects sa bansa.
Nakasaad sa reklamo na umano’y tumanggap ang senador ng P306 milyon at P280 milyon sa pamamagitan ng isang Maynard Ngu na itinuturong umano’y tagapamagitan o bagman nito.
Nakabatay ang mga alegasyon sa testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon sa mga dokumento, isinagawa umano ang ilang delivery ng pera noong 2024 at 2025, kabilang ang transaksyong nagkakahalaga ng P306 milyon at dalawa pang halagang P160 milyon at P120 milyon.
Sinasabing nagmula ang umano’y kickbacks sa iba’t ibang flood control projects sa Metro Manila, Visayas, at ilang lalawigan sa Luzon.
Mariin namang itinanggi ni Escudero ang lahat ng paratang at sinabi nitong wala siyang inatasan na si Maynard Ngu upang kumilos para sa kanya.
Giit pa ng senador, walang aktuwal na ebidensiyang magpapatunay na tumanggap siya ng pera at nakabatay lamang umano ang reklamo sa testimonya ng isang indibidwal.
Binanggit din ni Escudero ang umano’y hindi pagkakatugma ng mga naging salaysay ni Bernardo sa iba’t ibang affidavit at pagdinig.
Hiniling din ng senador sa Ombudsman na huwag pagkalooban ng immunity si Bernardo at iba pang sangkot dahil sila umano ang may pinakamalaking pananagutan sa kaso.
Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging desisyon ng Office of the Ombudsman kung isasampa ang kaso sa Sandiganbayan laban kay Escudero.














