Mariing kinuwestyon ni Senator Panfilo Lacson ang mga pahayag ni Atty. Salvador Panelo kaugnay ng impeachment, at tinawag itong “nonsensical” dahil umano sa pangunguna nito sa magiging boto ng mga senador.

Sa isang panayam, iginiit ni Lacson na walang sinuman ang maaaring magsalita o magdikta ng magiging posisyon niya, lalo na sa isang sensitibong usapin tulad ng impeachment.

Kinuwestyon din ng senador ang tila pagmamarunong umano ni Panelo, partikular sa pagtukoy kung sino sa mga senador ang boboto para sa conviction, kahit hindi pa nagsisimula ang pormal na paglilitis.

Ayon kay Lacson, bilang mga uupong senator-judges, kinakailangan nilang maging maingat sa kanilang mga pahayag dahil tiyak na susuriin ng publiko ang bawat hakbang at desisyon nila.

Advertisement

Ang reaksyon ng senador ay matapos pangalanan ni Panelo sina Lacson, Vicente Sotto III, Risa Hontiveros, at Kiko Pangilinan bilang mga posibleng boboto pabor sa conviction ni Sara Duterte sakaling umabot sa Senado ang impeachment case.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi dapat pangunahan ang proseso, lalo’t hindi pa naaabot ang trial stage ng impeachment.

Nanindigan din siya na ibabatay ng mga senador ang kanilang magiging desisyon sa ebidensiyang ihaharap sa korte, at hindi sa mga haka-haka o opinyon.

Dagdag pa niya, pananagutan ng bawat senator-judge ang kanilang boto, lalo na kung magko-convict sa kabila ng mahinang ebidensiya o mag-aabswelto sa kabila ng matibay na ebidensiya.

Advertisement