Humiling si Sen. Imee Marcos sa Senado na ipaalam ang buong saklaw ng pakikipagtulungan ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025.
Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution 340, hinihiling ni Marcos ang buong disclosure ng lahat ng komunikasyon, kasunduan, awtorisasyon, kahilingan, at operational directives kaugnay ng pakikipagtulungan sa ICC sa kaso ni Duterte. Nais din niyang malinaw na ipahayag ang opisyal na polisiya ng gobyerno tungkol sa kasalukuyan at hinaharap na kooperasyon sa ICC, kilalanin ang umano’y paglabag sa konstitusyonal at statutory rights ng dating pangulo, at tiyakin ang pananagutan ng mga opisyal na responsable. Kasama rin sa resolusyon ang paghingi ng remedyo para sa patuloy na paglabag sa karapatan ni Duterte, kabilang ang agarang pagbalik niya sa bansa at pag-file ng kaukulang representations sa ICC
Binigyang-diin ni Marcos na isang taon na ang lumipas mula sa extraordinary rendition ni Duterte, at nananatili itong patuloy na paglabag sa kanyang karapatan sa kalayaan nang walang wastong legal at judicial na batayan. Ayon sa kanya, ang kakulangan sa transparency ng ehekutibo at posibleng pag-uulit ng ganitong aksyon laban sa mga political opponents o retiradong opisyal ng pulisya ay nagdudulot ng panganib sa pagpapanatili ng konstitusyonal na proteksyon at rule of law. Idinagdag niya na dapat iwasang bypass ang sistema ng hudikatura ng Pilipinas at umiwas sa anumang unconstitutional acts sa hinaharap kaugnay ng ICC arrest warrants.
Inihain ni Marcos ang resolusyon halos isang taon matapos na arestuhin at i-turn over kay Interpol si Duterte sa bisa ng ICC warrant. Bagaman lumabas ang Pilipinas sa Rome Statute noong panahon ni Duterte, sinabi ng Department of Justice na hindi ipinagbabawal ng batas ang koordinasyon ng gobyerno sa ICC kahit wala na ang bansa sa tratado.














