Huli ang isang 17-anyos na binatilyo matapos umanong tangkaing magpuslit ng ilegal na droga na itinago sa tangkay ng kangkong habang bumibisita sa BJMP-Aklan sa Kalibo noong Abril 5.
Itinago ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Dadong,” residente ng Barangay Bugasongan, Lezo, Aklan.
Ayon sa ulat, narekober mula sa tangkay ng kangkong ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at mga nakarolyong piraso ng foil na karaniwang ginagamit sa droga.
Sinabi ng binatilyo na inutusan lamang umano siya na maghatid ng gulay at karne ng baboy para sa isang inmate sa loob ng kulungan. Gayunman, itinanggi niyang may kinalaman siya sa mga natagpuang ilegal na droga.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng BJMP upang matukoy ang pinagmulan at posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit ng droga sa pasilidad.














