NAGA CITY- Habang-buhay na pagkakakulong ang kakaharapin ng suspek sa pagpatay sa pamilya Pagtolon-an noong nakaaraang Agosto 25, 2019 sa Brgy. Fabrica Bula, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Ramjay Galicia Prima 34 anyos residente ng Brgy. Causip sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Giovanni Baldon tagapagsalita ng Bula PNP, sinasabing nahaharap ngayon ang suspek sa kasong three counts of murder na walang rekomendadong piyansa.

Una rito, ayon kay Baldon bago pa man lumabas ang warrant of arrest para sa kasong murder, una nang naaresto ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165.

Kung maaalala, nag-iinuman ang magkakapamilya sa Barangay Fabrica nang bigla na lamang dumating ang gunman at walang habas na pinagbabaril anh ito hanggang sa mamatay ang tatlong biktima.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman kung may kasabwat pa ito sa naturang krimen.