NAGA CITY- Nasa kostodiya na ng mga otoridad ang suspek sa pananaksak-patay sa isang indibidwal sa Queborac, Bagumbayan Sur, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLTCOL. Chester Pomar, City Community Affairs & Development Unit Chief asin NCPO Spokesperson, sinabi nito na pasado alas 4 ng umaga ngayong araw ng Miyerkules, naaresto ang suspek sa Barangay Ombao Polpog, Bula Camarines Sur.

Ayon pa sa opisyal, sa salaysay ng suspek, ginawa umano nito ang nasabing krimen sa kanyang sariling bayaw dahil sa galit at sama ng loob sa ginawa rin naturang biktima sa kanyang kapatid na live-in partner nito.

Dagdag pa ni Pomar, naglalakad umano ang biktima ng bigla na lamang saksakin ng suspek na pinaniniwalaan na nasa impluwensiya ng alak.

Samantala, nakatakbo pa naman umano ang biktima at naisugod pa sa ospital pero binawian rin lang ng buhay.

Sa ngayon, kasong murder ang posibleng harapin na kaso ng suspek matapos ang nasabing insidente.