Nagbigay ng mensahe si dating PNP chief at kasalukuyang MMDA General Manager Nicolas Torre III para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Ayon kay Torre, naniniwala siyang mananaig ang hustisya sa huli at umaasa siyang nasa maayos na kalagayan ang dating pangulo.
“Justice will prevail in the end. I wish him luck, and I wish him well,” ani Torre sa kanyang pahayag.
Matatandaang si Torre ang nanguna sa pag-aresto kay Duterte noong siya pa ang hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group noong Marso ng nakaraang taon.
Samantala, nitong Miyerkules, pinagtibay ng ICC Appeals Chamber ang hurisdiksiyon nito sa kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Dahil dito, itinuring ng Appeals Chamber na “moot” o wala nang saysay ang hiling ng depensa para sa agarang at walang kondisyong pagpapalaya kay Duterte.














