Binatikos ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Vice President Sara Duterte matapos nitong sabihin na umano’y “lapdog” o tuta nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Trillanes ang International Criminal Court (ICC).
Sa isang event na ginanap sa labas ng punong tanggapan ng ICC, sinabi rin ni VP Sara na sina Marcos at Trillanes umano ang naging daan upang maaresto ng ICC ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit naman ni Trillanes na walang pinapanigan ang ICC at hindi ito kontrolado ng sinuman. Aniya, ang kinahaharap na kaso ng dating pangulo ay resulta ng masusing imbestigasyon na isinagawa sa loob ng ilang taon.
Tinugunan din ni Trillanes ang pahayag ni VP Sara na hindi lahat ng extrajudicial killings na iniuugnay sa war on drugs ay may kaugnayan sa kampanya ng kaniyang ama, dahil maaaring dulot din umano ang ilan sa tumitinding insidente ng gun violence sa bansa.
Ayon kay Trillanes, malawakang kinikilala na ang libu-libong pagkamatay ay naganap sa kasagsagan ng drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.














