Isinama ni Vice President Sara Duterte sa kanyang listahan ng mga posibleng testigo para sa nalalapit na impeachment trial ang ilan sa kanyang mga dating kritiko, kabilang sina dating senador na Antonio Trillanes IV at whistleblower na si Ramil Madriaga.
Batay sa pre-trial brief na inihain ng depensa sa impeachment court noong Hunyo 15, layunin ng pagtawag sa mga testigo na ipakita na walang sapat na basehan ang mga paratang na nakasaad sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
“Until the prosecution is able to present any such credible, competent, and admissible evidence, the respondent reserves the right to present additional controverting evidence,” ayon sa nakasaad sa pre-trial brief.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang din sa listahan ng mga maaaring ipatawag bilang testigo ang mga opisyal mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan gaya ng Office of the Ombudsman, Office of the President, National Bureau of Investigation (NBI), Commission on Audit (COA), Department of Budget and Management (DBM), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Philippine Statistics Authority (PSA).
Nasa talaan din ang ilang forensic experts, accountants, notaries public, at investigative journalists na maaaring magbigay ng testimonya bilang bahagi ng depensa.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay nakabatay sa mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi tamang deklarasyon ng yaman, hindi pagdedeklara ng ilang negosyo, at iba pang paratang na may kaugnayan sa graft and corruption. Kasama rin sa mga reklamo ang umano’y pagbabanta laban sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa mga naunang pagdinig sa Kamara, inilahad din ang mga ulat at testimonya mula sa COA, NBI, at AMLC kaugnay ng mga sinasabing iregularidad sa paggamit ng pondo.
Samantala, nananatiling itinatanggi ng kampo ng Bise Presidente ang mga paratang at iginiit na handa silang sagutin ang mga alegasyon sa tamang proseso ng impeachment trial.














