NAGA CITY- Inararo ng isang truck ang dalawang tindahan sa bahagi ng Barangay Tambo, Pamplona, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Liza Jane Alteza, PIO ng CSPPO, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck sa pinagmamanehong sasakyan na nagresulta upang mabangga ang nasabing mga tindahan.

Kaugnay nito, maswerte naman na walang naitalang nasugatan o binawian ng buhay sa insidente maliban sa mga nasirang tindahan.

Ayon pa sa opisyal, sinagot na ng may-ari ng truck ang gastos sa dalawang nasirang tindahan dahil sa pangyayari.

Muli namang inabisuhan ni Alteza ang publiko na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho dahil masikip ang trapiko sa may bahagi ng Pamplona dahil sa inaayos na kalsada at dahil na rin sa ipinapatupad na re-routing scheme.

Maliban dito, pinaalalahanan rin ng opisyal ang mga road-users na palaging i-check ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang makaiwas sa anuman na aksidente sa kalsada.