Sinumite ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang sagot sa dalawang impeachment complaints laban sa kanya bago ang itinakdang deadline ng House of Representatives, kabilang ang alegasyon ng “culpable violation of the Constitution” at “betrayal of public trust.”
Sa 15-pahinang consolidated verified answer, tinutulan ni VP Sara ang mga reklamo na inihain nina Fr. Joel Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera. Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Michael Poa, kulang sa konkretong ebidensya ang mga alegasyon at nakabatay lamang sa haka-haka at konklusyon. Pinuna rin ng depensa ang proseso ng impeachment, na sinasabing hindi naging pare-pareho ang pamantayan sa pagsusuri ng complaints laban sa Pangulo at sa Bise-Presidente.
Subalit ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, hindi direktang sinagot ni VP Sara ang mga alegasyon kundi kinuwestiyon lamang ang proseso. Tinukoy ni Ridon ang mga dokumento at ebidensya sa reklamo na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta sa buhay ng Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pati na rin ang hindi maipaliwanag na yaman at paglabag sa SALN requirements.
Sa sariling tugon, iginiit ni VP Sara na walang sapat na ebidensya ang nag-akusa sa kanya ng “contract to kill” laban sa mga opisyal at itinuring ang alegasyon bilang “exaggerated conclusions dressed up as fact.” Hiniling din ng depensa sa House justice panel na ibasura ang complaints dahil ang mga alegasyon ay hindi umano impeachable offenses.
Samantala, sinabi ng National Unity Party (NUP) na susuporta lamang sila sa impeachment kung may malinaw at corroborated na ebidensya, kabilang ang testimonya ng whistleblower na si Ramil Madriaga. Nauna na ring idineklara ng House Committee on Justice na sufficient in form at in substance ang dalawang nalalabing complaints laban kay VP Sara.













