Nadiskubre ng mga awtoridad ang tinatayang ₱249-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng isang parcel sa cargo warehouse bago magtanghali nitong Lunes, Abril 20, sa Pasay City.
Kinumpiska ang ilegal na droga sa isinagawang interdiction operation ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa Express Cargo Clearance Facility (ECCF) sa PAIR-PAGS Center, NAIA Complex.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nadiskubre ang kontrabando sa loob ng isang inbound parcel na idineklarang Focos LED spotlights na ipinadala mula Mexico at nakapangalan sa isang consigne sa Valenzuela City.
Natagpuan sa loob ng parcel ang 10 karton na nakabalot sa plastic wrap, na naglalaman ng 18 kahon ng LED lightbulb na may tatak na Brillamax. Bawat kahon ay may nakatagong vacuum-sealed plastic bag ng hinihinalang shabu.
Umabot sa mahigit 36 kilo o 36,740 gramo ang kabuuang timbang ng droga na may halagang ₱249,832,000.
Isinailalim na sa laboratory examination ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service ang mga nakumpiskang ebidensya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga sangkot na indibidwal sa Pasay City Prosecutor’s Office.














