Sinabi ng Malacañang na hindi lahat ng Pilipino ay galit sa pag-aresto at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na marami umanong mamamayan ang nananatiling galit sa nangyari.
Sa panayam sa Davao City, sinabi ni Vice President Duterte na hindi umano mawawala ang galit ng maraming Pilipino hangga’t hindi naibabalik sa bansa ang dating pangulo.
Gayunman, ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, maaaring ganoon ang pananaw ng bise presidente dahil ang kanyang ama ang nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Iginiit ni Castro na hindi maaaring ipalagay na iisa ang nararamdaman ng lahat ng Pilipino tungkol sa isyu.
Aniya, may mga sektor din ng lipunan na patuloy na naghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) na iniugnay sa ipinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ng Malacañang, ang mga kasong isinampa laban sa dating pangulo sa ICC ay nagmula rin sa mga reklamong inihain ng ilang Pilipino na naniniwalang hindi nila nakuha ang hustisyang kanilang hinahanap sa loob ng bansa.














