Inaasahang tatalakayin at aprubahan ng Senado sa susunod na linggo ang panukalang magbibigay ng emergency powers sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo, bilang agarang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ang lehislasyon ay idineklarang certified urgent ng Malacañang, kaya’t mabilisang aprubahan ito ng Senado nang hindi dumadaan sa karaniwang 3-day rule. Ibig sabihin, maaaring isalang at pagbotohan ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pangunahing prayoridad ng Mataas na Kapulungan ang panukala upang agad matugunan ang lumalalang tensyon sa presyo ng langis dulot ng sitwasyon sa Middle East.
Inihayag naman ni Sen. Pia Cayetano, Chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, na lusot na in principle ang panukala sa kanilang komite. Sa kasalukuyan, naka-antabay na lamang ang Senado sa bersyon ng Kamara de Representantes upang tuluyang talakayin at pagbotohan ito sa plenaryo.
Ang panukalang ito ay bahagi ng agarang hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang pasanin ng mga mamamayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at maiwasan ang mas malawak na epekto sa ekonomiya.














