Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na ipagbawal ang malakihang, biglaang pagtaas sa singil sa kuryente at tiyaking ipatutupad ito nang paunti-unti upang hindi mabigla ang mga ordinaryong konsumer.
Iginiit ni Gatchalian na dapat mahigpit na bantayan ng ERC ang electricity rates sa bansa at tuluyang ipagbawal ang sistemang one-time, big-time na dagdag-singil ng mga distribution utilities. Ayon sa kaniya, ang unti-unting pagpapatupad ng taas-singil sa loob ng ilang billing cycle ay mas praktikal at nakatutulong upang maibsan ang epekto sa publiko.
Ipinaalala ng senador na ang sektor ng enerhiya ay isang regulated industry, kaya’t pangunahing mandato ng ERC na kumilos at protektahan ang taumbayan laban sa hindi makatarungang bayarin. Bagamat limitado ang kapangyarihan ng gobyerno sa direktang pagtatakda ng presyo ng kuryente sa merkado sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), nilinaw ni Gatchalian na may kapangyarihan pa rin ang pamahalaan na mamagitan, lalo na kung ang dahilan ng pagtaas ay kakulangan sa supply ng enerhiya.
Binigyang-diin ng senador na ang hakbang na ito ay para matiyak na hindi mabibigla at mahihirapan ang mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na gastusin dulot ng biglaang pagtaas ng kuryente.











