Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit 50,000 hinihinalang pekeng birth certificate sa mahigit 1,600 civil registry offices sa Pilipinas, na may kaugnayan umano sa isang malawakang sindikato.

Ayon sa NBI, kabilang sa mga lugar na itinuturing na high-risk ang mga bayan ng Pikit at Aleosan sa North Cotabato, kung saan nakapagsampa na ng kaso laban sa ilang opisyal ng civil registry at iba pang sangkot sa operasyon.

Sa isinagawang imbestigasyon kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA), natuklasan ang umano’y sabwatan ng ilang local civil registrars, kanilang mga tauhan, at isang retiradong municipal civil registrar na nagsilbing facilitator ng iligal na gawain.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi sinunod ng mga suspek ang tamang proseso sa late birth registration at gumamit ng mga pekeng dokumento upang makalusot ang mga aplikasyon.

Advertisement

Ayon pa sa mga awtoridad, kabilang sa mga nakinabang sa scheme ang ilang dayuhan, karamihan ay Chinese nationals, na ginamit ang pekeng pagkakakilanlan upang makakuha ng civil status at maging mamamayang Pilipino.

Ipinakita rin ng ebidensya na may mga dokumentong inihahanda na agad at inilalabas nang walang sapat na beripikasyon kapalit ng pera at iba pang pabor.

Nahaharap ngayon sa iba’t ibang kaso ang mga sangkot, kabilang ang paglabag sa Civil Register Law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct for Public Officials, at mga kasong falsification of public documents at perjury sa ilalim ng Revised Penal Code.

Advertisement