Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagkakaisa at bayanihan sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa presyo ng langis at kabuhayan ng mga Pilipino.

Hinikayat ng Pangulo ang publiko na magtulungan at maging responsable, lalo na sa tamang pagbabahagi ng impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita.

Bilang tugon sa tumataas na gastusin, iniutos ni Marcos sa Department of Transportation na pansamantalang suspindihin ang planong pagtaas ng pamasahe. Ipinagpatuloy rin ang libreng sakay program sa Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao, habang ipinatupad ang 50 porsiyentong diskwento sa pamasahe sa LRT-2 at MRT-3 simula Marso 23.

Naglaan din ang pamahalaan ng karagdagang tulong pinansyal, kabilang ang fuel subsidy para sa halos 100,000 tricycle drivers at iba pang apektadong sektor, habang inaasahang magsisimula ang karagdagang ayuda sa Abril 6.

Advertisement

Tiniyak din ng Pangulo na mahigpit na mino-monitor ang presyo ng mga pangunahing bilihin at sapat ang suplay ng pagkain sa bansa. Aniya, ipinatutupad na ang P20 kada kilo ng bigas sa 177 local government units at pinag-aaralan pa ang posibleng price cap upang mapanatiling abot-kaya ang presyo.

Sa sektor ng enerhiya, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga power generation companies upang madagdagan ang suplay ng kuryente, kung saan inaasahang may madaragdag na 900 megawatts sa mga susunod na buwan. Nakikipag-ugnayan din ang bansa sa mga bansang tulad ng India, Japan, at South Korea para matiyak ang sapat na suplay ng langis.

Samantala, patuloy ang repatriation efforts para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), kung saan mahigit 1,400 OFWs at higit 300 dependents na ang nakauwi mula sa Gitnang Silangan. Tiniyak ng Pangulo na may sapat na tulong at pansamantalang matutuluyan ang mga ito bago maihatid sa kanilang mga probinsya.

Binigyang-diin ni Marcos na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mamamayan sa gitna ng krisis at patuloy na magsasagawa ng hakbang upang maibsan ang epekto nito sa pang-araw-araw na buhay.

Advertisement