Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes ang pamamahagi ng ₱10,000 fuel subsidy kada bus unit sa mga operator, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Nagsimula ang rollout ng fuel subsidy sa Parañaque Integrated Terminal Exchange kung saan 27 bus operators na may kabuuang 1,096 bus units ang unang nakatanggap ng ayuda, ayon sa Department of Transportation.

Ayon sa Pangulo, bagamat sa Metro Manila inilunsad ang programa, saklaw nito ang buong bansa. Layunin nitong maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng diesel sa sektor ng transportasyon at maiwasan ang dagdag-pasahe sa mga commuter.

Pinayuhan din ni Marcos ang mga operator na gamitin ang digital platforms tulad ng e-wallet at ATM cards sa pagkuha ng subsidy para mas mabilis ang proseso. Gayunman, maaari pa ring tumanggap ng tseke o cash ang mga hindi komportable sa digital na sistema.

Advertisement

Ibinahagi ng ilang bus operators na malaking tulong ang subsidy lalo na’t apektado ang kanilang operasyon ng domino effect ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang na ang pagmahal ng mga supply at maintenance.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga driver dahil makatutulong ang ayuda sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at sa kanilang pamilya, sa gitna ng patuloy na pagbaba ng kita sa biyahe.

Nanawagan ang Pangulo sa transport sector at publiko na makipagtulungan sa pamahalaan upang hindi lalong mabigatan ang mga pasahero sa pamasahe habang pabago-bago ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Advertisement