Iniimbestigahan na ng National Police Commission ang umano’y hazing incident sa Philippine National Police Academy na kinasasangkutan ng ilang cadets, kung saan bubuo ng task force para sa masusing pagsusuri ng kaso.

Ayon kay NAPOLCOM vice chairperson at executive officer Rafael Vicente Calinisan, isang “blatant violation of the law” at paglabag sa dignidad ng tao ang naturang insidente kaya’t agad silang kikilos upang matukoy ang katotohanan at mapanagot ang mga sangkot.

Bilang tugon, magtatatag ang NAPOLCOM ng isang task force na magsasagawa ng malalim, patas, at mabilis na imbestigasyon sa pangyayari.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Philippine National Police Academy na agad silang kumilos upang tugunan ang insidente at matiyak ang kalagayan ng mga apektadong kadete.

Advertisement

Agad na binigyan ng medikal na atensyon ang mga nasugatan at patuloy na mino-monitor ang kanilang kalagayan habang nagpapagaling.

Samantala, inilagay na sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga responsable upang suportahan ang imbestigasyon at matiyak ang maayos na pagproseso ng kaso.

Nagsimula na rin ang PNPA ng administrative proceedings at nakikipag-ugnayan sa CIDG para sa fact-finding process. Ayon sa akademya, naisampa na ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga suspek.

Bilang bahagi ng command responsibility, pansamantalang inalis sa tungkulin ang Tactical Officer of the Day habang isinasagawa ang mas malalim na pagsusuri.

Iginiit ng PNPA ang kanilang patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang laban sa hazing at ang pagpapanatili ng ligtas, disiplinado, at propesyonal na kapaligiran para sa kanilang mga kadete.

Binigyang-diin din ng akademya ang kanilang paninindigan na protektahan ang dignidad, kapakanan, at karapatan ng lahat ng cadets, kasabay ng pagsunod sa pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at pananagutan.

Advertisement